Usapang paa.
Ang aking mga paa ay madali manakit sa dahilang di ko alam. Naaalala ko noong nasa highschool ako, noong sinimulan ako pagimitin ng aking nanay ng sapatos na may takong, mababa lang iyon, ilang oras pa lamang ay nananakit na ang mga paa at binti ko. Hindi gaanong malakas ang ang aking mga binti. Madalas ang mga gabing ako ay pinupulikat lalo na rin kapag lumalangoy. Maaari ito ay dahil ako ay mayroong scoliosis.
Naranasan ko na rin noong maglakad ng kaunting kilometro na walang tsinelas. Nasa elementary ako noon at di ko alam, nauso ang mga nakayapak sa amin. Cool yun! Sa gabi ko nahilig maglakad ng nakayapak sa labas noon, dahil pag sa araw, mainit... nakakapaso ng paa. Pero tuwing uuwi ako ng bahay namin, dapat nakasuot ako ng tsinelas, kung hindi, lagot ako sa aking kapatid. Malinis kasi sya masyado sa katawan at sa gamit. Ayaw nyang nakikitang madungis ako at sya ay naging maalaga talaga sa akin.
alam ko pangit naman pero gusto ko talaga dahil makapal! |
Nung maliit pa din ako, may nausong tsinelas noon, yung kulay pula ang strap at kulay itim naman ang base. Rambo ang label ng tsinelas na iyon. Makap ang goma kaya maiging gamitin kapag naglalaro kami ng football. Alam ko marami pang magandang tsinelas noon, pero ang Rambo ang gustong gusto ko noon. Naiinggit ako noon sa bestfriend ko sa tsinelas nya. Ako naman ay minsan merong cartoon characters o kaya yung tipikal na puti tapos iba iba ang kulay ng strap. Di ko na maalala anong pangalan noon, basta generic! At dahil gusto ko magka-tsinelas ng Rambo, ilang beses ko sinubukan maitapon yung tsinelas ko. Una, itinago ko ito sa buhanginan noong may construction pa sa bahay namin. Sumunod, iniwan ko ito sa bahay ng pinsan ko at sinabi ko sa tatay ko na nawawala. Meron pa, ginugupit ko ang strap ng tsinelas ko para unti unti mapigtal. Pero lahat ng tsinelas na kapalit na binili sa akin ay yung generic slippers pa din. FAIL! Hanggang sa di ko na maalala kung kailan ako natigil sa SLIPPERS DESTRUCTION 101 ko.
picture via Jcrew |
Mula elementarya hanggang highschool ay libre ang aking sapatos pang-school. Syempre dahil taga-Marikina kami at mayroon noong pagawaan ng sapatos ang aking lola. Ang nanay ko noon ay gumagawa rin ng sapatos kaya madalas yung reject o hindi na umabot sa pagtitinda, ay nakukuha ko. Papalit palit pa ko ng sapatos noon, meron ata akong 2-3 pares ng sapatos kada taon. Iba pa yung pang-Christmas party! Partida pa, madali rin ako makasira ng sapatos noon dahil palagi kong naaapakan yung likuran. Top-sider loafer ang uso noon at ayokong ayoko yun dati dahil pakiramdam ko ay panglalaki. Meron din ako nung may buckle sa harap, ayoko din dahil tingin ko ay pang-dalaga na yun. Kung tutuusin, maarte pala akong bata noon hahaha pero wala akong magawa, iyon ang sapatos na maibibigay sa akin. Di kami mayaman, kaya pasalamat na rin kaming may mga sapatos ako noon. Naalala ko, ang ite ko ay pumapasok noon sa klase nila sa elementarya ng naka-tsinelas lang. Isa iyon sa dahilan para bumaba ang self-esteem nya. Nakita ko ang mga class pictures nya, di maikakailang nahihiya nga sya. Mabuti na lang ay na-overcome nya na iyon.
Highschool ako noon, humina na talaga ang paggawa ng sapatos sa Marikina. Wala ng gawa ang aking lola pero nakakabili pa rin si nanay ko sa mas murang halaga mula sa mga pabrika ng mga kakilala nya. 1st year highschool ako noong nagkaroon ako ng kauna unahang sapatos na talagang nagustuhan ko -- doll shoes. May mababang heels at malambot na balat. At hanggang nag-college ako, ganoon ang naging sistema. Palagi pa rin akong may bagon sapatos taon-taon.
Ngayong nagta-trabaho ko, naunawaan ko na rin kung bakit marami namang sapatos ang ite (term-used in Marikina for the 2nd eldest sister) ko. Dati nagagalit ang nanay ko dahil sabi nya, magastos ang kapatid ko sa sapatos. Dati rin, laging bags ang binibili ko o damit. Yung sapatos, depende kung may gusto lang ako. Pero mula noong nakaraang 2 taon, di ko na alam kung bakit nahilig na rin ako bumili ng sapatos. Siguro dahil na rin nakakadagdag ng dating sa outfit! Naks!
Pero hindi ako naging fan ng Brazilian Havaianas flip flops. Minsan gusto ko rin magkaroon dahil maganda nga naman ang material pero hindi ako yung mamamatay kung di na ko magkaroon noon. Okay na ko sa Penshoppe o kaya Banana Peel flip flops. Sa sapatos naman, kahit ano basta pasok sa budget, gusto ko yung design at komportable sa paglalakad.
Ngayon ay napanood ko sa Youtube ang dokumentaryo ni Howie Severino na may title na SAPLOT, ipinalabas din ito kagabi sa GMA 7 kaso di ko na napanood. Kasama ito sa 12th Anniversary series na "Sa Piling ng Wala" ng I-Witness. Tunay na nakakadurog ang ginawang dokyu ni Howie tungkol sa isang pamilya na nakatira sa bundok kung saan ay mayroong 7 bata na nagtyatyaga sa kanilang mga gula-gulanit na kasuotan at wala silang tsinelas. Nabubuhay sila sa pagtatanim ng mais at pagtitinda ng suman. Sinubukan ni Howie na mabuhay ng walang tsinelas sa loob ng 4 na araw. Day 1 sa Manila at ang 3 araw ay sa Bondoc peninsula sa probinsya ng Quezon. Mabato ang bundok at malayo ang paaralan kung saan pumapasok ang 2 batang magkapatid. Nakakalungkot ang kanilang kalagayan tunay nga pero hindi naman natatapos ito sa panonood lang. May magagawa tayo bilang viewers, siguro nga ay sapat ang aking kinikita pero kung gugustuhin, ay pwede pa rin tayong makatulong. Maaaring hindi ka sa Quezon pupunta para makapagbigay ng pera, pagkain o tsinelas. Tingnan mo na lamang iyong mga tao sa lansangan o wag ka ng lumayo, sa mga kapitbahay o kamag-anak mo na lamang. Masaya ka na ba para sa kanila?
Kaya saludo ako sa mga gumagawa ng ganitong dokumentaryo, sa mga taong patuloy na umaakyat ng bundok at tumatawid ng mga ilog, mga misyonaryo at volunteers na nais maibahagi sa mga walang-wala ang buhay na makakagaan. Naniniwala akong hindi kailangan na mayaman ka, para makatulong ka.
P.S. Maingat na ko ngayon sa mga tsinelas at sapatos ko. At nagsisisi ako sa kapilyahan ko noong bata ako.
Comments
Post a Comment